Tuesday, August 23, 2011

Ian de Leon, kinilig sa tsikahan nina Nora at Boyet!

 
ni REY PUMALOY
Abante
Marter, Ika-23 ng Agosto, 2011

Eclipse at Nuclear Bomb inihahalintulad ni Ian de Leon ang pangyayari na muling nagkita ang kanyang parents na sina Nora Aunor at Christopher de Leon. Naganap ang pagkikita ng dalawa sa story conference ng gagawin nilang serye sa TV5 na Sa Ngalan ng Ina.

Once in a lifetime ang diskprisyon ni Ian sa paghaharap muli ng kanyang mga magulang matapos ang matagal na panahong hindi pagkikita ng mga ito kaya para raw itong Solar Eclipse.

Kahit mismo si Ian ay hindi na-predict na magkakaharap ulit ang kanyang mommy at daddy. Para nga raw siyang sinabugan ng Nuclear Bomb nu’ng makita ang eksenang nag-uusap ang kanyang parents.

Naaliw si Ian sa kanyang naobserbahan na parehong nakahawak sa kani-kanilang baba ang Mommy Nora niya at Daddy Boyet niya. Hindi nga raw alam ni Ian kung aware sa isa’t isa ang dalawa na pareho sila ng pustura habang nag-uusap.

 
Sabi pa ni Ian, para nga raw walang nakikitang ibang tao ang mommy at daddy niya habang masinsinang nag-uusap. Hindi raw napigilan ni Ian ang kiligin sa nakita niyang eksena sa kanyang parents. Dahil noon lang daw niya nakitang nag-usap ng ganito ang dalawa.

Nakaramdam ng pagmamalaki sa kanyang puso si Ian at nasabi raw niya sa kanyang sarili na “produkto yata ako ng Banawe”, isang award-winning movie na pinagbidahan ng kanyang mga magulang na kung saan nagkagustuhan ang mga ito.

Pero siyempre, hindi na umaasa pa si Ian na magkabalikan pa ang dalawa dahil alam niyang kuntento na ang mga ito sa kani-kanilang buhay.

May kuha raw si Ian sa Mommy Guy at Daddy Boyet niya habang nag-uusap. Pasimple raw niyang kinunan ng larawan ang dalawa kaya alam niyang iisa ang pustura ng mga ito habang nag-uusap.

Kahapon kinunan ang first taping day ng kanilang serye kung saan gagampanan ni Ian ang role ng isang ex-marine na magi­ging problema ng kanyang Mommy Guy. Sa sobrang excitement ay hindi sinasadyang i-reveal sa amin ni Ian ang magi­ging takbo ng character niya sa serye. Gagampanan daw niya ang papel bilang lover ni Rosanna Roces.

Lalabas na magkakaroon ng love triangle sa kanilang tatlo nina Osang at ng Daddy Boyet niya dahil asawa naman ng huli ang role ni Osang. Mukha nga lang hindi handa si Ian na magkaroon ng kissing scene o love scene kay Osang sa serye. Sinabi kasi nitong wala sa script na nagsasabing magkakaroon sila ng intimate sexual scene ni Osang.

Siyanga pala, hindi kabado at hindi rin takot si Ian sa pakikipagtagisan ng acting sa kanyang mga magulang dahil nananalaytay raw sa ugat niya ang dugo ng dalawang mahuhusay na aktor ng local showbiz.

Samantala, nag-last shooting day na si Nora sa pelikulang pinagbibidahan ni Laguna Governor ER Ejercito na El Presidente last Sunday. Ipinagbawal ang pagbisita ng mga entertainment media sa location ng shooting, pero hindi si Boy Abunda na may schedule ng interview sa Superstar.

Nangyari ang sinabi ni La Aunor sa presscon para sa kanya ng TV5 nu’ng kadarating lang niya galing ng Amerika na handa siyang tapusin sa itinakdang araw ang shooting niya sa nasabing historical movie.
Huwag lang daw na dadapuan siya ng karamdaman na puwedeng mag-delay sa kanyang commitment.

At ‘yun na nga, may isang araw na hindi nakapag-shooting si Ate Guy dahil nilagnat siya. Pero, walang mairereklamo sa kanya ang production ng El Presidente dahil ayon mismo sa kaibigan niyang si German Moreno, mismong ang doctor ni Gov. ER ang nagsabing pagpahingahin muna ang superstar.

--------------------------------------------------
Source: http://www.abante.com.ph/issue/aug2311/ent_rp.htm

No comments:

Post a Comment